Dati, ang sabi ko handa ako na mamatay para sa'yo. Pero nag-iba na ang isip ko kasabay ng pag-iiba ng pananaw ko sa mundo. Hindi ko pala dapat sinabi iyon sa'yo dahil mas tama pala na sabihin na handa ako na ipaglaban ang buhay ko alang-alang sa'yo. Ang regalo na ibinigay mo saakin may bente siete anyos na ang nakalilipas. Nasilayan ko ang mundo at nakabuo ako ng mga pangarap dahil hindi mo ipinagdamot saakin ang oportunidad na ikaw lamang ang tanging makapagbibigay saakin. Totoo, ikaw ay naging kasangkapan lamang ng Diyos, ngunit sa huli ay ikaw pa rin ang may hawak ng huling desisyon. Hindi mo ipinagdamot saakin ang regalo na ito kahit mag-isa ka lamang na haharap sa bukas na walang katiyakan. Salamat, aking Ina. Salamat sa buhay na hindi mo ipinagkait saakin. Mahal na kita noon pa man, pero mas mahal pa kita ngayon. Sa tuwing pagmamasdan ko ang aking anak, nadarama ko ang mga sakripisyo mo para saakin. Hindi man naging perpekto ang mga taon na tayo ay magkasama, naiintindihan ko na ngayon kung bakit gayun na lamang ang paghihigpit mo saakin. Nasaksihan ko ang pagsuko mo nang ako ay tumungtong na sa tamang gulang at pinagpasyahan mo na ibigay na lamang ang tiwala saakin at tanggapin na ginawa mo na ang iyong makakaya upang harapin ko ang mundo. Ngunit sa kabila nito, hindi ka pa rin nawala sa aking tabi. Mahabang panahon pa bago ko gawin ang desisyon na ito ngunit ngayon pa lang ay natatakot na ako. Sana ay mas inintindi kita noon. Ito ang mga naglalaro sa isip ko sa mga gabing hawak ko ang aking anak na mahimbing na natutulog sa aking dibdib. Sa mga araw na ginagawa kong gabi at gabi na ginagawa kong araw. Sa mga araw na sobrang pagod at sobrang puyat ang pinipilit kong labanan. At sa mga araw at gabi pa na darating na kailangan kong mag-sakripisyo at mag-isip hindi lamang para saaking sarili kung hindi mas para saaking anak, ikaw ang lagi kong iisipin. Sa maraming beses na kakailanganin kong bumangon sa alanganing oras dahil sa iyak ng anak ko, at sa maraming pagkakataon na ayokong mapapikit man lamang dahil natatakot ako na huminto ang paghinga n'ya ng hindi ko namamalayan, ikaw pa rin ang iisipin ko. Lalo na sa mga pagkakataong darating na magkaroon na ng sarili n'yang isip at opinyon ang anak ko, at pilit ko s'yang iintindihin, ikaw pa rin ang maiisip ko. Dahil minsan sa ating buhay, ginawa mo rin ang mga ito para saakin. xXx
Dad's 64th Birthday
10 years ago
0 comments:
Post a Comment